
Ilang biyahe ng mga barko ang kinansela ngayong araw dahil sa masamang panahon dulot ng Bagyong Tino.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), saklaw nito ang ilang mga pantalan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Mula kaninang umaga, kanselado ang mga biyahe ng Starlite Ferries patungong Caticlan, Sibuyan, at Roxas-Culasi, gayundin ang biyahe ng Montenegro Lines papuntang Odiongan, at ang OceanJet fastcraft papuntang Calapan.
Tatlong biyahe ng Montenegro Shipping Lines sa Dapitan ang hindi natuloy kabilang ang kaninang alas-8 ng umaga, ngayong alas-2 ng hapon, at mamayang alas-8 ng gabi.
Sa Bohol, Eastern Leyte Samar, Western Leyte, Biliran, at Misamis Oriental Cagayan, kanselado rin ang lahat ng biyahe kabilang ang mga ruta sa TMO Balingoan at Camiguin.
Sa Palawan, kanselado ang biyahe ng MV Bunso Ferry 2 mula Coron patungong Mindoro, at MV Maria Isabel mula Iloilo patungong Cuyo at Puerto Princesa.
Sa Lucena, wala ring biyahe papuntang Masbate, Romblon, at San Pascual sa Marinduque.
Habang sa Masbate, suspendido ang lahat ng biyahe dahil pa rin sa masamang panahon.
Ayon sa PPA, awtomatikong hindi pinapayagang pumalaot ang mga barko kapag naglabas ng no sail policy ang Philippine Coast Guard (PCG).









