
Dinepensahan ng Malacañang ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng bansa tulad ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ambush interview sa New York, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na mahalagang personal na ipakita ng pangulo sa mga miyembro ng United Nations na seryoso ang Pilipinas sa pagkuha ng non-permanent seat sa UN Security Council para sa 2027 hanggang 2028.
Mas epektibo aniya ito kung mismong ang pangulo ang makikipag-usap sa mga bansa upang ipakita na handa at karapat-dapat ang Pilipinas na maging bahagi ng konseho at tumulong sa pagsusulong ng pandaigdigang kapayapaan.
Samantala, sinagot din ng Malacañang ang puna ni Atty. Harry Roque tungkol sa konsiyertong ginanap sa Goldenberg Mansion na dinaluhan ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa kabila ng utos ng pangulo na magtipid sa enerhiya.
Giit ni Castro, matagal nang ginagawa buwan-buwan ang naturang konsiyerto para itaguyod ang kulturang Pilipino at ang talento ng mga lokal na artista.
Hindi rin aniya ito marangyang event kundi isang programang pangkultura para sa mga kabataan.










