Kasal ang isa sa mga araw na espesyal, at matagal pinagpaplanuhan ng magkasintahan–lalo na sa mga babae na ang gusto ay maramdamang sila ang pinakamaganda sa araw na iyon.
Kaya naman iba na lang ang pagkadismaya ng isang bride nang pumalpak ang gusto niya sanang wedding gown, pati na rin ang suot ng iba pang kabilang sa kasalan.
Idinaan ni April Joy sa Facebook post ang reklamo niya sa kinuha niyang designer para sa kanyang kasal na ngayon ay hindi niya na ma-contact kahit saan.
Kuwento ni April, November nakaraang taon pa nang sukatan sila ng designer na may pangalang “Marga” at ang due date na napag-usapan ay March 15, 2019.
Ipinakita niya rin ang sketch ng ipinresenta sakanyang design.
Dagdag niya, kinuha rin ni Marga ang binebenta niyang cellphone para umano sa downpayment na 10,000 na agarang hiningi ng designer.
May 28 na nang nakuha ni April ang wedding gown niya na aniya araw-araw niya pang finollow-up sa designer.
Sa dami aniya ng diperensya ay napilitan siyang ipaayos ito sa iba pero hindi lahat naremedyuhan at may mga tiniis pa rin daw ang bride sa araw ng kanyang kasal.
Bukod sa kanyang wedding gown, palpak din umano ang suot ng mga grommsmen na pagkanipis-nipis, at sa groom na hinala niya ay binili na lang at hindi gawa ng designer.
Inireklamo niya rin ang ginawang damit para sa bridesmaid, parents nilang magasawa, at sa flower girls na parang hindi naman daw sinukatan dahil sa mali-maling sizes.
Gayunpaman, nairaos ng bagong kasal ang espesyal na araw at ikinatuwa naman ng bride ang bagong bridal robe na ipinagawa niya raw nang isang araw lang.
Marami namang netizen ang pinagaan ang loob ng bride at pinuri ang ganda nito.
Mayroon ding mga nagrekomendang i-report na ang designer o idulog sa mga maaaring umaksyon.