Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Public works and highways o DPWH na naitala nila ngayon ang pinakamataas na infrastructure spending sa nakalipas na 6 na administrasyon.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni Public works Secretary Mark Villar na ang Build Build Build Program ng Administrasyong Duterte ang nakapagtala ng bagong record at all systems go na ang mga infrastructure projects na ito.
Ibinida pa ni Villar na sa unang taon pa lamang ng Administrasyong Duterte ay 5.2% na ng Gross Domestic Product o GDP ang nailaan sa infrastructure at ngayong taon ay umakyat na ito sa 6% kung ikukumpara sa hindi pa tumataas na 3% ng 6 na nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Villar na nagpapasalamat sila sa tulong ng ibang mga bansa sa Asia tulad ng China, Japan at Korea at maraming iba pa para sa planong inter-island na mga tulay.
Ibinida din ni Villar na umabot na sa 100 libong trabaho ang nagawa ng DPWH dahil sa Build Build Build Program.
Nabatid na kabilang sa mga proyektong ito ay ang mga school Buildings, Flood Control, Climate Mitigation Projects at maraming iba pa.