“All systems go” na ang Kamara para sa gaganaping canvassing sa mga kandidato sa presidente at bise presidente sa darating na linggo
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, buo na ang Canvassing Team sa panig ng Mababang Kapulungan na uupong Board of Canvassers (BOC).
Pangungunahan ito ni Speaker Lord Allan Velasco, habang ang mga regular members ay sina Congs. Martin Romualdez, Boying Remulla, Abraham Tolentino, Rimpy Bondoc, Stella Quimbo, Kristine Singson-Meehan, at Sharon Garin.
Nagtalaga rin sila ng mga alternate members na kinabibilangan nila Congs. Juliet Ferrer, Kiko Benitez, Johnny Pimentel at Manix Dalipe.
Ang mga alternate members ang siyang kapalitan ng mga myembro ng BOC upang makapagpahinga lalo kung tuloy-tuloy ang magiging bilangan.
Limitado lamang din sa 460 ang papasukin sa plenaryo ng Kamara kung saan kasama na rito ang mga mambabatas mula sa Kamara at Senado, mga staff, lawyers, at watchers gayundin ang media.
Mahigpit naman ang Batasan Complex sa ipapatupad na health protocols kung saan kinakailangang magpakita ng negatibong resulta ng antigen-test ang mga personal na sasaksi sa canvassing.
Sa Mayo 24, sa ganap na alas 5:00 ng umaga ay inaasahang nasa Kamara na ang mga balota mula sa Senado at sa hapon ay sisimulan na ang bilangan ng boto para sa mga kandidato sa pagkaPangulo at Ikalawang Pangulo.