Dinumog ng mga Pangasinense ang nasabing okasyon upang masaksihan ang taunang pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa kapitolyo, na tampok ang makukulay na ilaw, makabuluhang seremonya, at naggagandahang dekorasyong pamasko.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng ceremonial opening na sinundan ng sabayang pagpapailaw sa 48 lampposts na nakapalibot sa Capitol Complex. Mula sa himpapawid, kapansin-pansin ang pagkakaayos ng mga ilaw na bumubuo sa anyong tila mapa ng lalawigan ng Pangasinan, na nagbigay ng kakaibang tanawin sa buong lugar.
Lalong naging makislap ang paligid nang tuluyan nang pailawan ang higanteng Christmas tree, na nagsilbing pangunahing tampok ng gabi. Kasabay nito, nagniningning din ang iba’t ibang palamuting nagbigay-buhay sa diwa ng Pasko sa buong kapitolyo.
Hindi rin nawala sa pagdiriwang ang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng Kapaskuhan. Isinagawa ang isang prusisyon bilang paggunita sa pagsilang ni Hesukristo, na nagtapos sa paglalagay sa Batang Hesus sa sabsaban na nakalagak sa mismong Capitol.
Sinundan ito ng pagpapailaw sa Belen ng Kapitolyo, na nagsilbing paalala sa makabuluhang mensahe ng pagmamahalan, pananampalataya, at pag-asa na kaakibat ng pagdiriwang ng Pasko.
Bilang pagtatapos sa makulay na gabi, pinasaya naman ang mga dumalo sa pamamagitan ng isang napakagandang dance fountain at makislap na fireworks display na lalong nagbigay-kulay at ningning sa kalangitan ng Lingayen.
Hindi rin mawawala ang musikang hatid ng Koro Universidad de Dagupan.
Mababanaag sa mga mukha ng mga manonood ang tuwa at pananabik habang nasasaksihan ang unti-unting pagliwanag ng Christmas tree at ng buong Capitol Complex.
Para sa mga Pangasinense, hindi lamang ito simpleng pagpapailaw ng mga dekorasyon, kundi isang masayang pagtitipon na sumasalamin sa diwa ng pagkakaisa at pagbibigayan ngayong Kapaskuhan.
Sa muling pagningning ng Capitol Complex, opisyal na sinalubong ng lalawigan ng Pangasinan ang panahon ng Pasko—isang pagdiriwang na nagbibigay-liwanag hindi lamang sa paligid, kundi maging sa puso ng bawat Pangasinense. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







