
Hinimok ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga unipormadong kawani ng BuCor na samantalahin ang mga mandatory career course at leadership training ng Corrections National Training Institute (CNTI) upang maging kwalipikado sa promosyon at mapunan ang daan-daang bakanteng posisyon sa ahensya.
Batay sa pinakahuling datos ng BuCor, kakaunti pa lamang ang nag-a-apply sa matataas na puwesto, kung saan anim lamang ang aplikante sa 42 bakanteng posisyon para sa Chief Corrections Inspector, habang apat naman sa 67 bakanteng posisyon para sa Senior Corrections Inspector, at 23 sa 124 na bakante para sa Corrections Senior Officer 4.
Bukod dito, tatlumpu’t apat lamang ang nag-apply para sa 90 bakanteng posisyon ng CSO3, isa lamang para sa CSO2, habang 82 naman ang aplikante sa 88 bakanteng puwesto para sa CSO1.
Iginiit ni Catapang na mahalaga ang tuloy-tuloy na pagsasanay upang mapalakas ang hanay ng BuCor at mas mapabuti ang serbisyo sa mga piitan.
Samantala, ligtas nang nakarating sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan, ang panibagong batch ng 500 persons deprived of liberty (PDLs), na binubuo ng 480 lalaki mula sa New Bilibid Prison at 20 babae mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, bilang bahagi ng decongestion program ng BuCor.










