Thursday, November 26, 2026

MGA SOLUSYON KONTRA TAGTUYOT AT KAKULANGAN SA TUBIG, INILATAG SA ENVIRONMENT SUMMIT SA LA UNION

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Environmental Awareness Month, National Climate Change Consciousness Month, at Clean Air Month, isinagawa ng Provincial Government of La Union o PGLU, sa pamamagitan ng Provincial Environment and Natural Resources Office, ang Environment Summit noong November 24, 2026.

Dinaluhan ito ng mahigit 150 kalahok mula sa iba’t ibang sektor sa International Convention Center ng DMMMSU North La Union Campus sa Bacnotan, La Union.

Tampok sa summit ang mga talakayan hinggil sa Super El Niño, climate outlook, panganib ng tagtuyot, at mga hakbang sa paghahanda ng mga komunidad.

Ibinahagi rin ng mga eksperto ang iba’t ibang posibleng solusyon sa kakulangan sa tubig, kabilang ang desalination, pangangalaga sa watershed at kagubatan, paggamit ng makabagong teknolohiya, at climate-smart agriculture.

Binigyang-diin naman ng mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang mapangalagaan ang kalikasan at maprotektahan ang kabuhayan at seguridad sa pagkain ng mga mamamayan.

Nagtapos ang summit sa panawagan sa lahat ng sektor na kumilos ngayon upang mabawasan ang epekto ng El Niño, tagtuyot, at kakulangan sa tubig sa mga komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments