
Mas mapapabilis na ang pagtugis sa mga cybercriminal at scammer na nagtatago sa ibang bansa kasunod ng kasunduang nilagdaan sa 49th ASEAN Summit.
Layunin nitong palakasin ang pagtutulungan ng mga bansang ASEAN laban sa online child abuse at iba pang cybercrime.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, mas madali nang makapagpalitan ng impormasyon ang mga bansa upang matukoy at mapanagot ang mga kriminal.
Paliwanag ni Paraiso, nagiging mahirap ang paghahabol sa mga sindikato dahil nasa ibang bansa ang mga suspek habang nasa Pilipinas ang kanilang mga biktima.
Isinusulong din ng CICC sa United Nations Office on Drugs and Crime ang pagbabago sa depinisyon ng transnational crime upang makaagapay ang mga batas sa lumalawak na krimen sa internet.










