Friday, November 27, 2026

CBCP, suportado ang panawagan ng mga mangingisda para sa ipinaglalabang karaparan sa municipal fishing waters

Nagpahayag ng supprta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa panawagan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ipaglaban ang karapatan at kabuhayan ng mga mangingisda.

Ayon kay CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, hinimok nito ang mga diocese, parokya, religious communities, Catholic schools at mga lay organizations na suportahan ang panawagan at kung maaari, makilahok sa mapayapang pagtitipon na isasagawa sa Disyembre 3.

Layunin ng pagkilos na hilingin sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang mga desisyong may epekto sa proteksyon ng 15-kilometrong municipal waters at sa pagsubaybay sa mga commercial fishing vessels.

Sinabi ng CBCP na nanganganib ang kabuhayan at kapakanan ng maliliit na mangingisda dahil sa mga naturang desisyon kaya dapat ipagtanggol ang kanilang karapatan sa yamang-dagat na nakalaan para kanila.

Kasabay nito, umaapela rin ang mga obispo sa Kongreso na palakasin ang legal na proteksyon sa mga municipal waters at tiyakin ang epektibong monitoring sa mga commercial fishing vessels.

Sa inilabas na pastoral statement ni Cardinal David, nakasaad na hindi aniya limos kundi katarungan ang hinihingi ng mga mangingisda na matagal nang nagbibigay ng pagkain sa bansa pero nanganganib ngayon na mawalan ng kabuhayan.

Facebook Comments