Thursday, November 26, 2026

LTFRB, may paalala sa mga TNVS driver bago dumaan sa expressway

Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga driver ng taxi at iba pang ride-hailing services na ipagbigay alam sa kanilang mga pasahero ang anumang desisyon na magreresulta ng karagdagang bayad.

Kasunod ito ng viral video ng pagtatalo ng isang InDrive partner driver at kaniyang pasahero, kaugnay ng paniningil ng karagdagang P39 na pambayad sa tollgate dahil sa paggamit ng expressway, nang hindi inaabisuhan ang pasahero.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua, Jr., nauunawaan ng ahensya ang agam-agam ng mga TNVS driver, pero kailangan pa rin umanong hingin ang approval ng pasahero bago pumasok sa mga expressway, maliban na lang kung ang driver mismo ang sasagot sa karagdagang bayad.

Sa kabilang banda, inisyuhan naman ng Show Cause Order ng ahensya ang operator ng InDrive partner, para makapagpaliwanag sa December 9, kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang authority to operate bilang Transport Network Company.

Facebook Comments