Kinakailangang seryosohin ng China ang reklamo ng Pilipinas sa kanilang ginawang panghihimasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa para lang sa patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa.
Ito ang inihayag ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) makaraan maobserbahan nitong linggo ang 240 barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Maliban sa mga barkong ito, na-monitor din ang dalawang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Houbei class missile warships sa Panganiban Reef, isang Corvette class warship sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, isang Navy tugboat sa Zamora Reef, 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa bisinidad ng Pag-asa Islands, at mga Chinese vessel pa sa Bajo de Masinloc (Scarborough) Shoal.
Sa statement ng NTF-WPS, ang presensya ng mga barkong pandigma ng China sa EEZ ng Pilipinas ay maituturing na militarisasyon ng karagatan na nakakaapekto sa kapayapaan at stability sa rehiyon.
Inalmahan rin ng NTF-WPS ang unang naobserbahan na pagkuha mga Chinese fishermen ng mga giant clams sa bisinidad ng Pag-asa Island na paglabag sa batas ng Pilipinas at Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).
Matatandaang nanawagan ang Department of Defense sa China na respetuhin ang 200-mile Exclusive Economic Zone ng bansa na kinikilala sa ilalim ng United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS).