Coastguard Outpost, Itatayo sa Lalawigan ng Cagayan

Tuguegarao City, Cagayan – Planong magtayo ng coast guard station ang Department of Transportation (DOTr) sa lalawigan ng Cagayan upang lalong mabantayan ang Benham Rise na may opisyal ngayong pangalan na Philippine Rise.

Ito ang napag alaman ng RMN Cauyan News Team kay Cagayan 3rd District Congressman Randolph Ting sa pamamagitan ng kanyang pakikipag ugnayan sa mga lokal na mamamahayag.

Ayon sa kanya, nagpapahanap ang ahensiya ng mapagtatayuan ng coastguard outpost upang mapaigting ang pagbabantay sa bagong teritoryo ng bansa.


Dagdag pa niya na nakipag-ugnayan na siya kay DENR Regional Director Atty Gil Aromin sa paghahanap ng lokasyon sa lalawigan ng Cagayan at kasalukuyang kinokonsidera sa ikatlong distrito ang lugar ng Baguio Point sa bayan ng Penablanca, Cagayan. Ang mga iba pang lugar na tinitingnan ay ang Baggao at Gattaran.

Kapag may natukoy nang lupa sa lalawigan ay agad niya itong iuugnay sa DOTr para masimulan na ang mga proseso para sa naturang proyekto.

Magugunita na ang Phil Coast Guard ay nakipag ugnayan din sa lalawigan ng Isabela para planong pagtatayo ng kahalintulad na pasilidad.

Ang Philippine Rise na kasinlawak ng isla ng Luzon ngunit nasa ilalim ng katubigan na may malaking potensiyal na yaman ay matatagpuan sa Silangan ng Cagayan, Isabela at Aurora sa karagaratang Pasipiko.

Facebook Comments