Friday, July 24, 2026

Committee on Accounts ng Senado, tutol din na sagutin ang pagkain ng defense team

Mariing tinututulan ni Senator Ping Lacson ang hiling ng Office of the Vice President (OVP) na gastusan o sagutin ng Mataas na Kapulungan ang pagkain at inumin ng buong defense team.

Kaugnay ito sa liham na ipinadala ni Vice President Sara Duterte kay Senate President Win Gatchalian kung saan lahat ng pagkain at inumin ay manggagaling, ihahanda, at isisilbi ng accredited caterer ng OVP at ang gastos sa lahat ng ito ay pinasasagot sa Senado.

Ayon kay Lacson, bilang chairman ng Committee on Accounts sa Senado, ilan sa mga dahilan ng pagtutol niya sa hiling na ito ng OVP ay dahil kwestyunable at irregular ito para sa Senado dahil may sariling caterer ang Mataas na Kapulungan na sumailalim sa regular bidding process at ang hirit na i-accommodate ang caterer ng OVP at sagutin pa ang gastusin sa pagkain defense team, support staff, at mga testigo ay maaaring paglabag sa Government Procurement Law.

Ikalawa, mayroon pa aniyang existing na hindi pa nagagastos na pondo para sa impeachment trial na maaaring gastusin hanggang December 2026 sa ilalim ng continuing appropriations provisions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act na maaaring ilaan sa meals o pagkain ng defense at prosecution teams, mga testigo, senator-judges at lahat ng support staff kasama ang miscellaneous expenses na may kaugnayan sa impeachment trial.

Samantala, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na napagusapan nila ang isyung ito sa majority caucus noong isang gabi at kinukwestyon ng mga senador kung bakit ang Senado ang sasagot sa catering ng OVP.

Mayorya aniya ay nire-reject ang request na ito dahil saan kukunin ang budget para rito at posible ring masita sila tungkol sa isyu.

Facebook Comments