
CAUAYAN CITY- Dalawa ang kumpirmadong patay habang isa naman ang sugatan matapos ang nangyaring pananambang sa convoy ng tumatakbong alkalde na si Artemio “Billy Boy” Donato Jr. sa Brgy. Poblacion, Pilar, Abra.
Kinilala ang mga nasawi na sina Froilan Bisares Bueno, Barangay Kapitan ng Quillat, Langiden, Abra, at pinsan nito na si Kevin Bisares Bueno habang sugatan naman si Sonny Bisares.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang grupo ni Donato ay nakasakay sa 11 sasakyan kung saan mula ito sa nasabing barangay patungo sa Brgy. Villaviciosa nang maganap ang pamamaril at pananambang.
Pinaghihinalaan na ang mga suspek sa likod ng krimen ay naka-posisyon sa mataas na lugar.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nangyaring insidente.