DOH, NAGBABALA SA PELIGRO NG MATINDING INIT NGAYONG TAG-INIT

Cauayan City – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng mga sakit na maaaring idulot ng matinding init ng panahon, lalo na’t inaasahang tataas pa ang heat index sa bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring umabot sa 46-degree Celsius ang heat index sa ilang lugar.

Sinabi ng DOH na ang init na nasa pagitan ng 33 hanggang 41 degrees Celsius ay itinuturing na “extreme caution,” habang ang 42 hanggang 51 degrees Celsius ay nasa “danger level.”


Babala ng ahensiya, maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at iba pang sintomas tulad ng matinding pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, at panghihina ang matinding init.

Maaari rin itong humantong sa heat stroke, na isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng pagkalito, kombulsyon, pagkawala ng malay, at posibleng kamatayan kung hindi agad maagapan.

Uminom ng maraming tubig upang manatiling hydrated, iwasan ang pag-inom ng matatamis, caffeine, at alak na maaaring magdulot ng dehydration, bawasan ang paglabas sa pagitan ng 10 AM hanggang 4 PM, kung kailan pinakamainit ang panahon, gumamit ng proteksyon tulad ng payong, sumbrero at sunblock kapag lalabas, at magsuot ng preskong damit upang hindi mainitan.

Tiniyak ng DOH na patuloy nilang imo-monitor ang lagay ng panahon upang mapanatiling ligtas ang publiko ngayong tag-init.

Facebook Comments