Inihayag ni Committee on Agriculture and Food Chairperson Senador Cynthia A. Villar na may ₱25 billion ang Department of Agriculture (DA) na magpapalakas sa rice sufficiency ng bansa at magdadagdag sa kita ng mga magsasaka at iba pang stakeholder sa sektor ng agrikultura.
Ang tinutukoy ni Villar ay ang National Rice Program na pinaglaanan ng Kongreso ng ₱15.5 billion at Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na mayroon namang ₱10 billion na pondo.
Ayon kay Villar, ang National Rice Program ay pangunahing programa ng DA na nakatutok sa rice farming kung saan nakapaloob ang pamamahagi ng hybrid at inbred seeds, fertilizer, mga kagamitan kasama rin ang training sa mga magsasaka at irrigation.
Binanggit ni Villar na target naman ng RCEF na maging competitive ang rice production sa bansa at matulungan ang rice farmers na naapektuhan ng pagdagsa ng murang imported na bigas.
Kabilang sa pagagamitan ng pondo nito ay ang pagkakaloob ng makinarya at kagamitan, pamimigay ng dekalidad na inbred seeds at ₱1 billion na credit facility sa mga rice farmer at kanilang mga kooperatiba.
Sabi ni Vilar, ang RCEF kada taon hanggang 2024 ay nakatuon sa 55 rice producing provinces sa buong bansa na binubo na 947 munisipalidad.