DA, muling pinagana ang isang data analytics group upang mapatatag ang suplay ng meat at poultry products

Gumagana na muli ang Inter-Agency Livestock Data Analytics Group (LDAG) na inaasahang makakatulong sa Department of Agriculture (DA) na makabuo ng desisyong nakabatay sa mga datos, partikular sa pag-monitor sa presyo at suplay ng meat at poultry products.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa pamamagitan ng pinalakas na LDAG, target nila na mapalakas ang livestock sector, mapahusay ang seguridad sa pagkain at maisulong ang pangmatagalang katatagan ng industriya.

Ang grupo ang magbibigay ng scenario-based at supply and demand na pananaw, magsaliksik ng trend analyses at maglabas ng regular reports tulad ng livestock and poultry situationer.

Ang mga makakalap na report ay ipapabatid sa kalihim at iba pang opisyal ng DA sa mga pangunahing development sa karne ng baboy, manok, itlog at dairy sectors.

Magpapatupad din ang LDAG ng regular na konsultasyon sa industriya at stakeholders upang i-validate ang mga makakalap na datos at mapaganda ang importansiya ng makukuhang resulta, at masigurong naaangkop ito sa aksiyon ng gobyerno at aktuwal na kundisyon sa merkado.

Facebook Comments