
Ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang tatlong elevator na nagagamit na ng mga komyuter sa EDSA Busway Balintawak Station ngayong Martes ng umaga, November 24.
Sa anunsyo ng kalihim, lahat ng elevator sa mga busway station ay gumagana at nagagamit na ng mga komyuter, kabilang ang mga elevator sa Bagong Barrio at Monumento busway stations.
Dagdag pa rito, humingi na rin umano ang DOTr ng pondo para sa maintenance ng lahat ng busway station at elevator sa 2027 upang matiyak na patuloy na magagamit ang mga ito ng mga komyuter at matatapos sa loob ng maximum na 48 oras ang pag-aayos ng elevator sakaling masira.
Samantala, may apela naman ang kalihim sa mga komyuter na panatilihing maayos at malinis ang mga elevator sa mga busway station.
Sa kabilang banda, nagpadala na ang DOTr ng sulat sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang pormal na hilingin na isailalim na sa DOTr ang pamamahala, operasyon at maintenance ng lahat ng elevator at mga footbridge na direktang konektado sa mga busway station.










