Thursday, July 16, 2026

Dagdag-pasahe sa gitna ng banta ng taas presyo sa krudo, pinag-aaralan pa ng pamahalaan

Pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung papayagan ang panawagang dagdag-pasahe, kasabay ng banta ng panibagong pagtaas ng presyo ng krudo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan na ang Department of Transportation (DOTr) na suriin ang sitwasyon, kabilang ang posibleng pagbabalik ng ₱1 dagdag-pasahe sa jeep na naunang sinuspinde ng Malacañang noong Marso.

Aniya, kailangang timbangin ng gobyerno ang magiging epekto ng fare hike dahil maaari itong magtulak sa pagtaas ng presyo ng iba pang pangunahing bilihin.

Sinabi rin ni Castro na pinag-aaralan na ang posibleng ayuda para sa mga pinakaapektadong sektor.

Gayunman, tiniyak niyang layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang maiiwang sektor sa anumang hakbang na ipatutupad ng pamahalaan.

Facebook Comments