Monday, July 13, 2026

PBBM, ininspeksyon ang rehabilitasyon ng Navotas Fish Port para palakasin ang suplay ng isda

COURTESY: RTVMalacañang

Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Navotas Fish Port Complex na pinakamalaking bagsakan ng isda sa bansa.

Inikot ng pangulo ang Market 1 kung saan nasaksihan niya ang pagbaba, pagbebenta at paghakot ng mga isda.

Sinuri rin niya ang mga ginagawang pagpapaganda at pagsasa-ayos ng pasilidad.

Ayon sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), layunin ng rehabilitasyon na gawing mas moderno at mas matibay ang fish port.

Kabilang sa proyekto ang pagsasa-ayos ng mga market, pantalan, drainage system at iba pang pasilidad upang mabawasan ang pagbaha at mapanatiling tuloy-tuloy ang operasyon kahit may masamang panahon.

Kapag natapos ang proyekto, inaasahang mas mapapabilis ang pagdadala ng isda sa mga pamilihan, mababawasan ang gastos sa transportasyon, mapapanatili ang kalidad ng mga produkto, at madaragdagan ang oportunidad sa kabuhayan para sa mga residente ng Navotas at karatig-lugar.

Ang Navotas Fish Port ang pangunahing bagsakan ng isda para sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon.

Facebook Comments