Dagdag singil sa kuryente ngayong Agosto, pinapa-waive sa Meralco

Umapela si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate sa Meralco na i-waive ang nakaambang na power rate hike ngayong Agosto.

Nakatakdang tumaas kasi ng .0965 centavos per kilowatt hour hanggang P9.0036 per kWh ang singil sa kuryente ngayong Agosto, mas mataas sa P8.9071 per kWh nitong Hulyo.

Ibig sabihin, ang mga kumukunsumo ng 200 kWh kada buwan ay madaragdagan ng P19 sa kanilang electric bill.


Giit ni Zarate, ito na ang panlimang beses na nagtaas ng singil ang Meralco mula noong March ngayong taon.

Aniya, panibagong dagdag na pabigat na naman ito sa mga consumer na apektado ngayon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na hindi makapaghanapbuhay dahil sa lockdown.

Hindi na nga aniya sapat ang tatanggaping P1,000 sa kada indibidwal o P4,000 sa kada household na ayuda na pagkakasyahin sa loob ng dalawang linggo ay dadagdag pa sa problema ng mga karaniwang tao ang taas singil sa kuryente.

Dahil dito, nakikiusap na si Zarate sa Meralco na tulungan ang mga consumer nito sa gitna ng lockdown sa pamamagitan ng pag-waive muna sa power rate hike ngayong buwan.

Hindi naman aniya mangangahulugan ng pagkalugi ang pag-waive sa dagdag singil sa kuryente dahil noong nakaraang taon ay kumita pa nga ang Meralco ng P21.71 billion.

Facebook Comments