Deadline ng SIM registration, mahigpit na babantayan ng Senado

Babantayang maigi ng Senado ang magiging resulta ng deadline ng SIM registration na nakatakda sa July 25.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, imo-monitor nila sa Senado kung papaano ang automatic deactivation ng mga hindi narehistrong SIM card ay makakatulong na mabawasan kung hindi man tuluyang mawala ang scams at iba pang cyber-related crimes gamit ang SIM.

Hinihimok din ni Villanueva ang National Telecommunications Commission (NTC), Philippine National Police (PNP) at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno gayundin ang mga partner na pribadong sektor na paigtingin pa ang information campaigns tungkol sa mga modus na ginagawa para maloko ang mga kababayan at manakaw ang kanilang mga kitang pinaghirapan.


Bukod dito, pinasisilip din ng mambabatas ang mga umiiral na mga batas tulad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 para alamin kung papaano pa mapapalakas ang batas laban sa mga naglipanang online scams ngayon.

Kaugnay rito ay naunang inihain ni Villanueva ang Senate Resolution 641 na layong imbestigahan ang mga hindi awtorisado at iligal na pautang sa online na nanghaharass sa mga borrowers sa pamamagitan ng mapang-abusong collection scheme.

Facebook Comments