Nanindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na si Joel Salve Estorial talaga ang bumaril sa hardhitting radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Ayon kay Abalos, kumpiyansa siyang si Estorial talaga ang gunman at hindi ito fall guy lamang.
Paliwanag ni Abalos, nagtugma kasi ang baril na ginamit at ang slug ng bala ng nakuha sa crime scene o nag-match yung ballistics, ikalawa nakuha mula sa suspek ang punit-punit na pulang jacket na kanyang isinuot noong pinatay si Lapid at ikatlo tugma ito sa kuha ng CCTV.
Kasunod nito, pinapurihan ni Abalos ang mga pulis na tyinaga ang kaso magkaroon lamang ng development sa Percy Lapid case.
Partikular dito si Southern Police District Director Police Colonel Kirby John Brion Kraft at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo.
Kaugnay nito, nananawagan ang Philippine National Police (PNP) maging si Abalos sa mga kasabwat ni Joel Estorial na sina Edmon Adao Dimaculangan, Israel Adao Dimaculangan at isang alyas Orly na sumuko at makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng krimen.