
Nawalan na ng tuluyan ng komunikasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kay dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza.
Kung matatandaan, si Guteza ang sinasabing security escort ni dating Cong. Zaldy Co na siyang madalas na naghahatid ng male-maletang salapi sa bahay nina Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Sen. Panfilo Ping Lacson, na siyang Chairman ng Blue Ribbon Committee (BRC), nagpadala sila ng sulat sa nakalagay na address ni Guteza sa kaniyang driver’s license.
Ngunit hindi siya natagpuan doon kaya’t sila ay nakipag-ugnayan sa opisina ni Senator Rodante Marcoleta dahil siya ang nagdala noon sa komite kay Guteza.
Maging si Marcoleta ay wala na rin umanong contact sa kanya.
Sinabi naman ni Lacson na mananatili ang testimonya ni Guteza sa BRC dahil sinumpaan niya ito noong humarap sa pagdinig.









