Kalibo, Aklan— Bagong uri ng peste ang nananalasa ngayon sa ilang bayan sa probinsiya ng Aklan.
Ayon kay Assistant Provincial Agriculturist Salome David na base sa kanilang monitoring meron ng presensiya ng Fall Army Worm sa mga bayan ng Banga, Altavas, Malinao Madalag, Libacao, Numancia at Kalibo kung saan halos 10% ng mga taniman ng mais ang apektado.
Unang nakita ito ilang araw matapos ang bagyong Ursula at pinaniniwalaang dulot ng matinding hangin kaya napadpad ito sa probinsiya.
Ngunit ngayong buwan lang ito nai-ulat sa tanggapan ng Department of Agriculture.
Agad naman itong kinumperma ng Regional Protection Center at Regional Plant Quarantine Office.
Dagdag pa nito, wala ring pinipiling panahon (season) ang pag atake ng naturang peste.
Nagtatago umano ito sa pipit ng mais kapag mainit ang sikat ng araw at lumalabas lamang tuwing umaga at hapon para kainin ang pananim.
Mainam umano ang pagspray ng pesticide sa naturang mga oras para matiyak na tatamaan ang nasabing uod.
Samantala, Sapat naman ang mga pangontrang kemikal sa probinsiya para ipamigay sa mga magsasaka sa mga bayan.
Maliban sa Chemical Control, pinagtutuunan naman ng pansin ng naturang ahensiya ang biological control nito kung saan pinipigilan ang pagreproduce o pagdami ng mga ito.
Isa rin sa mga rekomendasyon ng DA ay maaaring magbudbod ng asukal sa mga pananim para dapuan ito ng mga langgam na kumakain din ng mga pesteng uod.
Sa ngayon, nakahanda ang sektor ng agrikultura sa pagkontrol ng bagong uri ng peste at gayundin ang paghingi nila ng kooperasyon sa mga magsasaka para sa close monitoring ng kanilang mga pananim at mabigyan ng kaukulang aksyon.
Fall Army Worm, Bagong uri ng peste banta sa Agrikultura ng Aklan
Facebook Comments