Food packs na ipamamahagi sa mga residenteng sakop ng granular lockdown, nakaposisyon na ayon sa DSWD

Simula bukas, September 24, 2021, ang national government na sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mamamahagi ng food packs sa mga residente na sakop ng granular lockdown.

Sa press conference sa Malacañang, sinabi ni DWSD Sec. Rolando Bautista na nakahanda nang ipamahagi ang mga foodpack sa mga apektadong residente simula bukas.

Base sa ulat ng DSWD Field Office sa National Capital Region (NCR), nakahanda na ang 1,000 family food packs na siyang ipamamahagi sa 15 na lungsod sa kalakhang Maynila na nagkakahalaga ng P7.7-M


Nakahanda na rin at for pick-up na sa warehouse nila ang 1,000 food packs na laan sa Malabon City.

Samantala, nag-abiso naman ang Pasig City Local Government Unit (LGU) na hindi muna sila kukuha ng food packs sa DSWD dahil wala silang lugar sa ngayon ang naka-granular lockdown.

Sa ilalim ng Alert Level System, ang mga residente na sakop ng granular lockdown ay hindi papayagang lumabas ng tahanan maliban na lamang sa medical frontliners, mga parating o paalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) at may health emergencies upang ma-contain ang virus.

Base sa datos ng Pambansang Pulisya, nasa 184 na mga lugar sa NCR ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown.

Facebook Comments