
Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na mamadaliin na ng pamahalaan ang paggastos sa mga proyekto at programa para mahabol ang target GDP growth na 5.5 hanggang 6.5 percent bago matapos ang taon.
Sa budget deliberations ay tinanong ni Senator Loren Legarda kung ano ang mga intervention measures na ginagawa ngayon ng gobyerno para ma-hit ang target na paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Gatchalian, sa nalalabing dalawang buwan bago matapos ang 2025 ay magpapatupad na ng catch-up plan program para mapabilis ang government spending na isa sa mga malalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya.
Isa na aniya rito ang kasiguraduhan na mabilis na magagastos ang pondo sa imprastraktura tulad ng pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga silid-aralan, gayundin ng iba pang mga programa ng gobyerno na nakapaloob sa General Appropriations Act ngayong taon.
Aminado si Gatchalian na mahirap makuha ang target na GDP, lalo na ang 6 percent, dahil naapektuhan ang bansa ng mga kalamidad lalo na ang nangyari sa Visayas at ang kontrobersiya ng katiwalian sa mga flood control projects.









