
Binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga guro sa panunumpa ng mga bagong na-promote na public school teachers at school heads.
Ayon sa pangulo, mahalaga ang papel ng mga guro sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon at sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Hindi lang aniya sa loob ng silid-aralan nagtatrabaho ang mga guro dahil kasama sa kanilang tungkulin ang paghahanda ng mga aralin, paggabay sa mga estudyante, at serbisyo sa halalan at census ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ng pangulo na may malaking ambag ang mga guro sa paghubog ng disiplina, katapatan, at malasakit ng mamamayan.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Marcos na prayoridad ng gobyerno ang edukasyon, kaya inilaan ang pinakamalaking pondo para sa sektor na ito sa 2026.
Sa kabuuan, 2,915 guro at school heads ang nanumpa, kung saan 2,186 ang na-promote dahil sa bakanteng posisyon, at 729 naman sa ilalim ng Expanded Career Progression Program.










