HIGH TIDE, TULOY-TULOY NA ULAN, NAGPAPATAGAL SA PAGBAHA SA LINGAYEN

‎Patuloy na nakararanas ng matagalang pagbaha ang ilang bahagi ng Lingayen, Pangasinan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at high tide na nagpapabagal sa paghupa ng tubig-baha.

‎Batay sa monitoring ng Lingayen Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO alas-5 ng hapon noong Agosto 20, nasa 470 katao o 141 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga paaralan at evacuation centers.

‎Aabot naman sa 18 barangay ang nakaranas ng pagbaha, kung saan pinakamarami ang apektado sa Barangay Basing. Patuloy ding minomonitor ang sitwasyon sa iba pang lugar, kabilang ang Libsong East, Libsong West at Pangapisan.

‎Mas mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad pagsapit ng alas-8 ng gabi dahil sa high tide.

‎Ayon sa MDRRMO, maaaring mas mabagal ang paglabas ng tubig-baha mula sa mga mabababang lugar dahil mataas ang tubig-dagat, kaya posibleng magtagal pa ang pagbaha.

‎Dagdag na dahilan din ang lokasyon ng Lingayen bilang catch basin kung saan naiipon ang tubig mula sa mga karatig-bayan. Kapag sinabayan ito ng tuloy-tuloy na pag-ulan at high tide, mas tumatagal ang paghupa ng baha.

‎Samantala, sinabi ng mga awtoridad na sapat pa ang suplay ng relief goods para sa mga apektadong residente, kabilang ang ayuda mula sa DSWD, repacked relief goods mula sa LGU Lingayen at mga suplay mula sa Office of Civil Defense o OCD. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments