House Committee on Appropriations, nagbabala na posibleng tapyasan ang pondo ng ilang ahensya na hindi maipapaliwanag nang maayos ang ipinapanukalang budget sa 2022

Nakahanda ang House Committee on Appropriations na tapyasan ng pondo ang ilang mga ahensya ng gobyerno na hindi makapagpapaliwanag ng husto sa kanilang panukalang pondo sa ilalim ng 2022 national budget.

Ito ang babala ni Appropriations Committee Chairman Eric Go Yap sa harap na rin ng pagsisimula bukas sa pagbusisi ng pambansang pondo sa susunod na taon na aabot sa mahigit limang trilyong piso.

Ilan kasi sa mga ahensya ngayon ang binabatikos dahil sa mataas na pondo tulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mayroong alokasyong P21.8 billion at P8.6 billion naman para sa intelligence and confidential expenses gayong ang ibang ahensya na napapakinabangan sa pagtugon sa pandemya ay may mababang pondo sa 2022.


Sinabi ni Yap sa virtual presscon sa Kamara, kailangang mapangatwiranan ng NTF-ELCAC maging ng ibang ahensyang isasalang sa budget hearing kung bakit nararapat sa kanila ang pondo, bakit hindi dapat ito bawasan ng Kongreso at kung ito ba ay makakatulong ngayong COVID-19 pandemic.

Ibabase naman ng mga kongresista sa paliwanag ng mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno ang desisyon kung katanggap-tanggap ang ipinapanukalang pondo dahil kung hindi ay ibinabala ni Yap na kakaltasan ito ng Mababang Kapulungan.

Tiwala naman si Yap na ang 2022 national budget ay hindi gagamitin sa eleksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang budget ay nakalaan para sa pagbangon ng bansa taliwas sa ibinabato ng mga kritiko ng pamahalaan.

Facebook Comments