
Kinalampag ng ilang vegetable farmers at gardeners mula sa Benguet, Mountain Province at iba pang komunidad sa Cordillera Region, ang tanggapan ng Department of Agriculture (DA) ngayong Martes ng umaga, November 10, para ipanawagan sa gobyerno ang konkretong ayuda at garantiya sa patas na presyo ng kanilang aning gulay.
Ayon sa mga raliyista, hindi tumitigil ang pagsipa ng presyo ng abono, binhi, krudo at iba pang gastusin, kung kaya’t marapat lang na ibatay sa aktwal na gastos sa produksyon ang farmgate price ng mga produkto.
Dagdag pa rito, dumadagdag pa umano sa pasanin ng mga magsasaka ang mga imported at smuggled na gulay, pananamantala ng mga middleman, mataas na upa sa lupa at mapagsamantalang pautang, maging ang tagtuyot at pabago-bagong lagay ng panahon.
Panawagan ng grupo sa gobyerno, pagbutihin ang mga farm-to-market roads, maglagay ng direktang access sa mga pamilihan, at gumawa ng programa sa pagbili ng lokal na ani at pagpigil sa smuggling at walang habas na pag-aangkat ng gulay.
Samantala, pinangunahan naman ng Kanatengan Network, kasama ang Cordillera Peoples Alliance, ang nasabing aktibidad, habang nakatakda namang magsumite ng mga petisyon sa loob ng dalawang araw ang mga grupo, at makikipag-usap din sa mga mambabatas at ahensiya ng gobyerno, gaya ng DA, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pa.










