
Arestado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3 sina Tomita Takayuki, isang Hapon at Maria Zenaida Callos Otani, isang Pinay, dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking at large-scale illegal recruitment.
Nahuli ang dalawa habang tinatangkang isabay palabas ng bansa ang 13 Pilipino na inalok ng trabaho bilang mga factory worker sa Japan.
Batay sa testimonya ng mga biktima, ginagamit nina Otani at Takayuki ang pekeng ahensyang Winkbayside Manpower Services para makapang-recruit ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Japan sa ilalim ng diumano’y Technical Intern Training Program.
Nabatid na Inaalok ang mga aplikante ng buwanang sahod na 120,000 Japanese Yen bilang factory worker.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sa halip na sumailalim sa training pagdating sa Japan, ang mga biktima ay ipinapasa sa iba’t ibang employer upang direktang magtrabaho sa mga pabrika gamit ang mga pekeng dokumento.
Nabatid din na ang tunay na sahod ng factory workers sa Japan ay 200,000 Yen, taliwas sa alok ng mga suspek na 120,000 Yen.
Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NBI-IAID) ang dalawang suspek at isinailalim na sila sa inquest proceedings.
Nahaharap ang mga ito sa mga kasong qualified trafficking in persons at large-scale illegal recruitment.