
Dalawang araw bago ang eleksyon sa Lunes, May 12, naging lantaran ang vote buying scheme sa Quezon City.
Ayon sa Citizen Election Advocate na si Malou Chua, maraming litrato at mga video ang kanilang natatanggap na mahabang pila o malawakang mobilisasyon ng tao.
Partikular na may naitalang vote buying ay sa Barangay Sacre Heart, Barangay Kaunlaran, Barangay Pinyahan at Tatalon.
Duda ang grupo na orientation lang ito ng mga watchers ng mga kandidato dahil wala namang nangyayaring lecture session kundi labas-pasok lang ng mga tao.
Sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) resolution, ipinagbabawal ang pamimigay ng ayuda o massive mobilization ng tao.
Marami na umanong ganitong mga reklamo ang naiparating sa Kontra Bigay committee,pero,wala umanong naging aksyon.
Nanawagan si Atty. Arlene Roura sa Comelec at Philippine National Police (PNP) na aksyunan o puntahan ang mga lugar na may sinasabing bilihan ng boto.
Panawagan ng grupo, huwag iboto ang mga kandidatong namimili ng boto dahil tiyak na babawiin ito sa halip na magserbisyo sandaling malagay na sa puwesto.