2 election related violence sa abra, nalutas na —PNP

Nalutas na ng Abra Police Provincial Office ang dalawang kaso ng karahasang may kaugnayan sa halalan matapos matukoy at masampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek sa magkahiwalay na pamamaril sa lalawigan.

Unang sinampahan ng kasong double murder at multiple frustrated murder sina Jendricks Luna at dalawang ‘John Does’ nitong April 7, 2025.

Kaugnay ito ng pananambang kay mayoral candidate Artemio Donato sa Sitio Palicad, Barangay Poblacion, Pilar, Abra noong February 28, 2025.

Nakaligtas si Donato sa insidente ngunit dalawa sa kanyang convoy ang nasawi at dalawa pa ang malubhang nasugatan.

Samantala, sinampahan naman ng 2 counts of murder sina Ryan Seares Luna, Raffy Tejero, Kathlia Alcantara, at tatlong ‘John Does’ nitong April 29, 2025

Sila ang itinuturong nasa likod ng pamamaril sa Barangay Budac, Tayum, Abra noong April 21, 2025, kung saan isang indibidwal ang nasawi habang ang isa pa ay binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital.

Kinumpirma ng Abra Police na ang dalawang insidente ay itinuturing na election-related incidents at pormal nang idineklarang “cleared” matapos ang pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable.

Facebook Comments