Thursday, November 19, 2026

Impeachment trial, ipagpapatuloy ngayong araw; apat na testigo ng depensa, ihaharap

Ipagpapatuloy ngayong Day 44 ng impeachment trial ang pagpapaharap sa mga testigo ng defense team ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa Article 2 o ang unexplained wealth ng bise presidente at ang hindi tamang pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nito.

Apat na witnesses ang inaasahang haharap ngayong araw at bukas matapos maisyuhan ng subpoena ng Senate impeachment court.

Ang mga haharap na testigo ay sina AML Consulting Atty. Rainer Dela Fuente, Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary / BOI Managing Head Dr. Ceferino Rodolfo, FDA Center for Food Regulation and Research Dir. Pilar Marilyn Pagayunan at Department Manager III, CITEM Rowena Mendoza.

Ang mga ito ay tetestigo para sa Cale88 Foods Corporation partikular sa product registration, corporation registration at ang isyu sa Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Ang Cale88 ay nagmamanufacture ng banana chips na sinasabing may business interest ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio.

Kaakibat ng pagharap ng mga testigo ang mga dokumentong pinapo-produce sa kanila ng impeachment court.

Pagkatapos ng dalawang araw na paglilitis ngayong linggong ito, tigil muna ang impeachment trial hanggang sa December 3 para bigyang daan ang plenary deliberation at pagpapasa sa panukalang pambansang budget para susunod na taon.

Facebook Comments