
Iginiit ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na hindi dapat ilihis sa isyu ng paggamit ng alyas ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Garin makaraang ihambing ni Senator-Judge Robinhood Padilla ang paggamit ng alyas ng ating mga bayani sa mga alyas na nakasaad sa acknowledgement receipts ng mga tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Diin ni Garin, walang problema sa paggamit ng alyas at hindi ito ang tumbok ng alegasyon kay VP Sara kundi ang maling paggamit ng confidential funds.
Kapuna-puna din ayon kay Garin ang katawa-tawa at tila pinaglaruang mga alyas na ginamit sa mga acknowledgement receipts.
Paliwanag ni Garin, ang punto dito ay kung totoong tao ang nasa likod ng naturang mga alyas dahil kung hindi ay lumalabas na ghost ang mga programa at proyektong ginastusan ng confidential funds ni VP Duterte.










