Dapat na laging pairalin ng Pilipinas ang independent foreign policy nito na “friend to all, enemy to none” matapos ang naging pagbisita sa bansa ni US Vice President Kamala Harris.
Ayon sa political analyst na si Atty. Michael Yusingco, bagama’t maraming benepisyo ang naidulot sa bansa ng pagbisita ni Harris, hindi natin maaaring balewalain ang pagiging magkalaban ng US at China.
Aniya, dapat na laging mangibabaw ang interes ng bansa at dapat tayong kumilos para maitatag ang ating karapatan at soberenya sa ating teritoryo.
“Syempre, hindi naman natin din maipagkakaila that currently yung US at China are antagonistic towards each other although nakikita naman natin merong efforts to resolve their differences but still, yung geopolitics of this affair cannot be ignored ‘no. So, dito papasok yung utos ng ating Saligang Batas that our country must adapt an independent foreign policy,” saad ni Yusingco sa interview ng RMN Manila.
“Kahit mayroong practical benefits ang pagbisita ni VP Harris dito, that should never mean na ang US lang ang kakampihan natin,” dagdag niya.
Samantala, nangangamba naman ang security analyst na si Dr. Chester Cabalza na posibleng magpalala sa tensyon ng Pilipinas at China sa South China Sea ang pagbisita ni Harris sa bansa.
“Meron tayong kaguluhang nakikita. Dahil nga magtatayo ng naval bases, natural hindi naman papayag ang China do’n. So, ang pagpunta niya doon ay nagdadala ng mensahe sa China na ‘Nandito ang mga Amerikano, ang US at handa kaming i-commit yung aming ipinangako sa mga Pilipino.’ Alam natin na ang Estados Unidos ang ating treaty ally ‘no at meron tayong buhay na military ties with them,” paliwanag ni Cabalza.
Upang maiwasan ang gulo, dapat aniyang kausapin ni Pangulong Bongbong Marcos ang Beijing upang ipaalam ang nangyayari sa Pilipinas at upang alamin kung ano ang maaaring i-offer sa atin ng China.
“Ang nakikita ng China dito sa galawan natin with US is containment. Feeling nila kinukulong natin sila pero tingin naman natin, ito ay pagrespeto sa military treaty natin sa US. Pero syempre, kapag sinabi niya ito sa China, mag-iisip ngayon ang China kung ano ang pwede niyang i-offer kaya napakaganda ng opportunity na ito,” saad ng security analyst.
“Alam na natin ang perspektibo ng mga Amerikano at kung ano ang gusto nila para sa Pilipinas pero dapat malaman din natin kung ano ang gusto ng mga Chinese sa atin, para sa ganon, dun tayo mag-reflect, dun natin alamin kung ano ang dapat gagawin natin,” dagdag niya.
Nakatakdang bumisita si Marcos sa China sa Enero 2023.