Tuesday, November 24, 2026

Intelligence drive laban sa mga illegal recruiter na gumagamit sa pangalan ng matataas na opisyal , pinaigting ng PNP

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagmamanman at paghahanda ng mga kaso laban sa mga ilegal na recruiter na gumagamit sa pangalan ng mga opisyal ng pamahalaan para makapanlinlang sa mga naghahanap ng trabaho.

Ito ay kasunod ng natanggap na ulat ng PNP mula sa Tanggapan ni Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos kaugnay ng isang umano’y ilegal na operasyon ng recruitment kung saan ilang residente ng Ilocos Norte ang pinangakuan ng trabaho sa New Zealand.

Batay sa imbestigasyon, ipinangalandakan ng suspek na mayroon siyang personal na koneksyon kay Pangulong Marcos na umano’y makatutulong para mapadali ang pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.

Nagresulta ito sa hindi bababa sa 86 na biktima ang iniulat na nawalan ng kabuuang P25.8 milyon dahil sa nasabing modus.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ,ang nasabing mga illegal recruiters ay laging nakakaisip ng mga bagong paraan para makapanloko kaya nagbabala ito sa publiko na maging mapagmatyag sa ganitong klase ng modus .

Hinimok din ng PNP ang mga biktima at mga indibidwal na may impormasyon tungkol sa mga modus ng recruitment na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magsampa ng pormal na reklamo.

Facebook Comments