
Iginiit ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano ang pangangailangan na palakasin ang pagbibigay proteksyon at pagtiyak sa kaligtasan ng mamamayan.
Mensahe ito ni Valeriano kasunod ng pagpatay kay dating United Movement Against Drugs Party-list Rep. Teodoro Lim sa Antipolo City, Rizal.
Kinondena ni Valeriano ang pagyayari kaakibat ang katwiran na walang anumang hindi pagkakaunawaan o away ang pwedeng maging rason ng karahasan at pagpatay.
Pinuri naman ni Valeriano ang mga awtoridad sa mabilis na pag-aresto sa suspek.
Diin ni Valeriano, ang insidente ay patunay sa kahalagahan na pag-ibayuhin ang pagbibigay proteksyon sa buhay ng bawat isa kung saan wala dapat maging lugar sa bawat komunidad ang anumang anyo ng karahasan.










