ISA SA TATLONG PUPC NA NAKATAKAS SA SUAL POLICE STATION, NAHULI NA; ANG DALAWA, PATULOY PA RING TINUTUGIS

Kinumpirma ng Pangasinan Police Provincial Office ang pagkakaaresto sa isa sa tatlong Persons Under Police Custody (PUPC) na tumakas mula sa Sual Police Station noong madaling araw ng Linggo, kasunod ng mabilis na isinagawang hot pursuit at manhunt operation.

Sa press briefing, inilahad ni Provincial Director PCOL Arbel Mercullo, na natunton ang isa sa mga tumakas sa bulubunduking bahagi na malapit sa himpilan ng pulisya, kung saan siya ay agad na naaresto. Ang suspek na si Jomar Magayaga na residente sa bayan ng Malasiqui, nahaharap sa kasong Theft at itinuturing umanong responsable sa pagbubukas ng selda na naging daan sa pagtakas.

Inilahad din ng opisyal na tinitignan pa ang posibilidad ng planadong pagtakas ng mga suspek o kung mayroon mang personnel ang may kinalaman sa insidente, kasunod ng mga isyung tinitingnan hinggil sa seguridad ng detention facility, kabilang ang kondisyon ng mga kandado at monitoring system.

Sa kasalukuyan, pansamantalang inalis sa pwesto ang hepe ng himpilan at walong personnel na nakaduty nang mangyari ang insidente, habang isinasailalim sila sa imbestigasyon para sa posibleng administratibong pananagutan.

Batay sa backtracking ng CCTV, lumalabas na matagal na umanong minamanmanan ni Magayaga ang lock ng detention facility kapag walang bantay, ilang linggo bago ang insidente.

Target naman ipatupad ni Mercullo sa lahat ng himpilan ang pagtutok sa CCTV monitors, na inamin niyang isa sa naging kakulangan ng pulisya.

Patuloy pang tinutugis ang dalawang PUPC na sina Jerry Velasco Caleb mula sa Labrador na may kasong paglabag sa RA9165 at RA 10591, at si Reynaldo Sison mula sa Lingayen na nahaharap sa kasong Carnapping, na pawang mahaharap sa panibagong kaso.

Naglaan naman ng pabuya ang lokal na pamahalaan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa agarang pagkakadakip sa dalawang tumakas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments