30 APLIKANTE, HIRED-ON-THE-SPOT SA 13th PEOPLE’S JOBS FAIR SA SAN FERNANDO CITY, LA UNION

Naging makabuluhan at malaking tulong sa mga naghahanap ng trabaho ang isinagawang 13th People’s Jobs Fair sa San Fernando City, La Union noong Abril 8, 2025.

Sa kabuuan, 30 aplikante ang agad na natanggap sa trabaho o tinaguriang “hired-on-the-spot,” kabilang si Crizza Mae Villanueva mula Bangar, La Union, na natanggap bilang sales associate.

Umabot naman sa 3,253 oportunidad sa trabaho ang inialok sa naturang job fair na ginanap sa CSI Mall Atrium. Ito ay inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE), bilang bahagi ng patuloy na programa upang mapahusay ang job matching services at mapalakas ang labor market recovery sa lokal at pambansang antas.

Sa naturang bilang, kabilang ang 2,445 lokal na bakanteng trabaho, 770 overseas positions, at 43 posisyon mula sa pamahalaang lungsod.

Umabot sa 50 employer ang lumahok sa job fair, kabilang ang 47 lokal na kumpanya at tatlong overseas recruitment agencies—patunay ng patuloy na pangangailangan ng pribadong sektor sa mga skilled worker.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng inisyatibong ito na higit pang palakasin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, at pribadong sektor upang mapalawak ang access ng publiko sa mga oportunidad sa trabaho. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments