Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang bodega sa San Fernando, Pampanga dahil sa umanoy ginagawang hoarding o pagtatago ng libo-libong sako ng imported na asukal.
Ito ay matapos na ipag-utos ni Executive Secretary Victor Rodriguez sa BOC batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bitbit ng mga tauhan ng BOC ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order nang salakayin ang bodega at nahuli ang mismong warehouse keeper na kinilalang si Jimmy Ng isang Chinese Filipino.
Nakumpiska ng mga tauhan BOC sa bodega ang libo-libong sako ng imported sugar mula sa Thailand na maayos na nakasalansan sa loob ng bodega.
Bukod dito nadiskubre rin ng mga tauhan ng BOC ang daan-daang sako ng asukal sa loob ng mga delivery van.
Sinabi ni Rodriguez na kapag napatunayan na ang mga asukal mula sa Thailand ay smuggled mahaharap ang mga may-ari ng bodega sa kasong smuggling in relation to the provisions of The Customs Modernization Act (CMTA).
Maliba sa imported asukal nadiskubre rin ng BOC ang mga imported items gaya ng sako sakong corn starch mula sa China, sako-sakong imported na harina, plastic products, oil in plastic barrels, motorcycle parts at wheels na may iba’t ibang brands, helmets, LED Televisions sets at pintura.
Binibigyan ng 15 araw ang may-ari ng bodega na magpakita ng dokumento para patunayang legal ang pag-transport ng mga produktong ito sa bansa.