Isang indibdwal na may kinalaman sa planong pagpatay kay Degamo, lumutang na

Lumutang ang isang indibidwal na may kinalaman sa planong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sa sinumpaang salaysay ni Marlos Quibod na tubong Negros Occidental, nitong Oktubre 2022 ay nakilala niya sa Damutan, Hinoba-an si Arnel Libradilla na tumulong sa kaniya matapos masangkot sa isang kasong may kinalaman sa attempted homicide.

 

Ayon kay Quibod, Enero 2023 nang isinama siya ni Arnel sa Dauin Cockpit para yayain sumama na magtrabaho para kay alyas Brownie kung saan naka-video call pa ito ni Arnel.


Aniya, humingi ng tulong si Brownie para kontratahin sila sa isang operasyon hinggil sa pagligpit kay Governor Degamo.

Dagdag pa ni Quibod, hindi siya pumayag sa kadahilanang natakot siya at inihayag na isa raw ‘yun sa mga dahilan kaya siya napahamak at nagtago.

Sinabi pa ni Quibod na nitong March 6, 2023 ay nabalitaan niya na pinatay si Gov. Degamo kung saan maging si Arnel ay namatay rin matapos tugisin ng mga pulis.

Matapos nito, napag-alaman ni Quibod nitong mga nakaraang linggo na si alyas Brownie pala na ka-video call ni Arnel ay may pangalang Mayor Fritz.

Nananawagan naman si Quibod sa pamahalaan na sa kaniyang paglutang, masiguro sana ang kaniyang kaligtasan gayundin ang kaniyang pamilya.

Facebook Comments