
CAUAYAN CITY – Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang lalaki matapos nitong tangkaing iwasan ang mga awtoridad sa isinasagawang COMELEC Checkpoint sa Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya, kaninang madaling araw, ika-5 ng Pebrero taong kasalukuyan.
Kinilala ang suspek na si alyas “Bentong”, 30-anyos, at residente ng Sampaloc, Manila.
Ayon sa ulat, hindi umano huminto ang suspek ng senyasan siya ng mga pulis sa checkpoint at sinubukan pang tumakas subalit bumangga ito sa checkpoint barricade. Dahil dito, agad na nahuli si alyas “Bentong” kung saan ay wala itong maipakitang dokumento ng kanyang motorsiklo.
Narekober rin mula sa kanya ang isang .38 caliber revolver, OR ng motorsiklo, identification card, isang tooter na pinaghihinalaang may residue ng shabu, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Dinala naman ang suspek sa himpilan ng Solano Police Station at mahaharap sa kasong Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority, paglabag sa Republic Act No. 10591 (COMELEC Gun Ban), COMELEC Resolution No. 11067, at paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.