Kahalagahan ng mga kababaihan, tinututukan ng Kamara

Bilang pakikiisa sa Women’s Month celebration ay binigyang-diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan ng mga kababaihan at pagsusulong ng mga hakbang patungo sa pagkakaroon ng gender equality at women empowerment.

Para kay Romualdez, marami pang kailangang gawin upang matiyak na bawat babae ay may kalayaang maabot ang kanyang buong potensyal.

Ibinida naman ni House Committee on Women and Gender Equality at Bataan Rep. Geraldine Roman ang pagprayoridad ng Kamara sa mga panukalang batas para sa kababaihan tulad ng pagpasa sa Divorce Bill.

Isinusulong din ni Roman ang pag-amyenda sa Family Code at Safe Spaces Act gayundin ang panukalang mag-oobliga sa mga partido politikal na ilaan ang hindi bababa sa 40% ng kanilang listahan ng kandidato para sa kababaihan.

Kinilala naman ni Tingog Partylist Representative Yedda Romualdez ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa paghubog sa kinabukasan ng bansa.

Diin pa ni Congresswoman Yedda, ang lakas ng isang bansa ay naka-ugat sa tibay ng pamilya kung saan babae ang pumapanday sa kahalagahan ng dignidad, katapangan, at integridad sa loob ng tahanan na tumutulong sa paghubog ng mga susunod na pinuno at responsableng mamamayan.

Facebook Comments