Kahera nabiktima ng palit-pera modus

42
Kalibo, Aklan— Pinaghahanap ang lalaking ito matapos manloko ng isang kahera sa bayan ng Kalibo. Aabot sa P5,000 ang natangay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa nabiktima nitong cashier sa bayan ng Kalibo nitong September 27. Base sa 32 anyos na biktima na pumasok sa fastfood chain ang naturang lalaki dala ang perang P24,000 na tig P100 bills na gusto nitong papalitan ng tig P1,000. Tinanggihan umano ito ng biktima dahil aabot lamang sa P13,000 ang halaga ng kanilang tig P1,000 bills bagay na pumayag naman ang lalaki na iyon na lang ang palitan. Makalipas ang ilang sandali, sinabihan umano siya ng suspek na gawing tig P20 bills nalang ang ipalit sa naturang halaga ngunit hindi aabot sa P13,000 ang tig P20 bill sa loob ng kanilang kaha. Dahil dito ibinalik umano ng suspek ang 13 pirasong P1,000 bill na nauna niyang pinapalitan sa kahera at binawi ang tig P100 na perang nauna nitong pinapalitan. Aminado ang kahera na hindi na niya muling nabilang ang perang ibinalik sa kanya ng suspek at huli na nang malamang kulang na pala ng P5,000 ang kanilang kinita. Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Kalibo PNP sa nasabing insidente.
Facebook Comments