Kalibo, Aklan— Naabot na ng LGU Kalibo ang herd immunity sa vaccination program laban sa COVID 19. Ito ang kinumpirma ni Dra. Jocelyn Garcia, Municipal Health Officer ng bayan sa sangguniang bayan session kahapon. Base sa datos na ibinahagi ni Dra. Garcia, 74.5% na ng kabuuang target population ng Kalibo na nabakunahan laban sa sakit o katumbas ng 63,879 na mga indibidwal. Problema umano sa ngayon ang maliit na bilang ng mga nagpapa booster na aabot lamang sa 4,242. Dagdag pa nito na importante pa rin ang booster shot dahil ang epekto ng bakuna ay humihina at lalo pa na may mga bagong variant ng virus. Isa umano sa nakikita nilang dahilan kung bakit kakaunti ang nagpapa booster ay kakulangan sa pagpapaliwanag sa publiko at pag aalinlangan ng mga ito sa pangamba ng pagkakaroon ng side effects. Regular naman aniya ang kanilang schedule sa pagbabakuna na isinasagawa dalawang beses sa isang linggo. Sa kabilang dako sinabi ng MHO na walang near expiry na mga bakuna ang LGU Kalibo taliwas sa mga naiulat sa ibang lugar sa bansa. Regular naman aniya ang kanilang ginagawang inventory sa mga bakunang nasa pangangalaga ng storage facility ng bayan.
Facebook Comments