Kamara, hiniling ang pagpapaigting ng cyber safety at security ng mga kabataan kaugnay sa mga online games at applications

Umapela si Deputy Minority Leader Harlin Neil Abayon sa mga eksperto na palakasin ang cyber safety at security laban sa mga online games, applications at maging online scams.

Ito ay kaugnay sa napabalitang nauusong alternate reality game na Momo challenge kung saan hinihikayat umano ang mga batang naglalaro nito na tapusin ang isang task sa laro at humahantong pa na uutusang mag-suicide ang player.

Nababahala ang mambabatas dahil nagiging laganap na sa cyberspace ang mga laro at pagbuo ng mga grupo na nanghihikayat sa pagpapakamatay, bullying, human trafficking at illegal investment schemes.


Hinimok ng kongresista sa Kamara na amyendahan ang RA 10175 o Cybercrime Law at RA 10627 o Anti-Bullying Law para isama ang mga suicide games at bullying sa social media sa mga ipagbabawal at mahaharap sa parusa ang mga gagawa nito.

Plano ng mambabatas na bumuo ng isang experts consultative group para tugunan ang mga banta sa kaligtasan at seguridad ng mga kabataan at mga matatanda sa paggamit ng online.

Umapela din ito sa Google at sa Facebook na alisin sa kanilang platform ang anumang uri ng websites at social media activities na nagsusulong ng paggawa ng masama at lumalabag sa kanilang community standards.

Facebook Comments