Tuesday, March 10, 2026

Kamara, magsasagawa ng congressional briefing para alamin ang sitwasyon ng mga OFW sa Middle East

Iniutos ng liderato ng Kamara ang pagsasagawa ng congressional briefing upang alamin ang sitwasyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Gitnang Silangan sa harap ng lumalalang kaguluhan sa rehiyon.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, inatasan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang Committee on Foreign Affairs at Committee on Overseas Workers Affairs na magsagawa ng joint briefing sa Miyerkules.

Ito ay para makakuha ng updated assessment sa sitwasyon at alamin ang kahandaan ng gobyerno sa pagbibigay ng kailangang tulong sa mga Pilipino sa mga bansang apektado ng tensyon.

Diin ni Marcos, maraming Pilipino ang nasa Middle East kaya dapat tiyakin na epektibong gumagana ang mekanismo upang maibigay ang kinakailangang suporta sa kanila.

Binanggit ni Marcos na kabilang sa mga inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at iba pang kaukulang ahensya.

Inaasahang ilalahad sa pagdinig ang update sa bilang ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar, ang kasalukuyang estado ng kanilang seguridad at kondisyon, gayundin ang contingency plans para sa pagbibigay ng tulong, evacuation, at repatriation.

Facebook Comments